My Saykometrisyan Dyurni
by ARMAN MANALO BUENO
[224 BUENO, ARMAN MANALO]
Nakatutuwang pangyayari sa aking buhay na makikita sa isang news network website ang buong pangalan ko. Subalit, masasabi ko na hindi naging madali ang pag-abot sa ganitong tagumpay.
Naaalala ko noong ika-31 ng Oktubre 2013, ika-2:33 ng hapon, ito ang Facebook status ko:
"Arman M. Bueno, RPm (in progress)
Registered Psychometrician"
Nagdesisyon akong itigil ang trabaho ko sa isang rehabilitation facility para makapaglaan ng oras para sa pagrerebyu ko sa Board Licensure Examination for Psychometricians (BLEP). Hindi ko kasi nahabol ang deadline sa isang review center.
Dalawang buwan bago ang nakatakdang petsa ng BLEP, hindi ko nagawang makapag-aral ng matino, nagpadala ako sa katamaran. Puro bahala na. At higit sa lahat, mas nababad ako sa isipin na wala na akong pera at kailangan makahanap ng panibagong trabaho. Ang hirap maging jobless.
Isang buwan bago ang BLEP, nagkaroon ako ng trabaho bilang isang financial advisor. Bagong sabak sa larangan na hindi ko gamay. Ika-6 ng Oktubre, 2014, dalawang araw bago ang huling petsa ng aplikasyon sa PRC, natulungan ako ng aking nanay na magkaroon ng perang pamasahe papuntang PRC at pambayad sa aplikasyon. Dahil sa bunso ako sa apat na magkakapatid, ang aking nanay ay sinabihan ako na magpasama pag pupunta ng Maynila. Pero sinabi ko sa kanya na dapat marunong na akong mag-isa pag may pupuntahan. Sa 24 taong nabubuhay ako sa mundo, hindi ko nagawang magsolo papuntang Maynila, parating may kasama. Sa loob-loob ko kinakabahan ako na pumunta mag-isa. May anxiety na rin kasi ako pag sinabing Maynila. Nang dumating ang Ika-7 ng Oktubre, sobrang saya ko na nagawa kong tapusin ang aking takot. Nakapunta ako sa Maynila ng mag-isa sa unang pagkakataon, at sa PRC pa! Nakauwi rin ako ng matiwasay.
Dalawang linggo bago ang BLEP, wala pa rin akong kita, hindi ko alam kung saan kukuha ng pangtustos ko sa eksaminasyon. Hindi ako nakakapagrebyu. Naging banaag ang aking pananaw kung itutuloy ko pa ang pagkuha ng BLEP.
Pagduruda at pagiging negatibo sa aking sarili at sitwasyon ang mga nararanasan ko sa mga panahong ito.
Ang aking mga kaibigan, kaklase, at mga mentor ay patuloy sa paghikayat sa akin na ituloy ko ang pagkuha sa kabila ng mga nangyayari.
Tatlong araw bago mag-eksaminasyon, nalaman ko na ang aking room assignment sa St. Jude College-Manila.
Ika-28 ng Oktubre, unang araw ng BLEP, dumating ako sa pagdadausan ng ika-5:40 ng umaga. Kabado ako. Maingay ang paligid. Mayroon akong nakilalang dalawang ka-psyche major mula sa ibang pamantasan. Ang iba ay tahimik at may mga dalang reviewers at highlighters. Ang iba naman ay parang dala ang buong mag-anak bilang pagsuporta. Ang gandang tingnan ng bawat eksena at mga kilos ng mga kukuha ng BLEP. Ang ikalawang araw naman ay halos normal na ang sitwasyon. Marami akong nakilala at mga bagong kaibigan, ang iba sa kanila ay galing pa sa ibang bahagi ng bansa.
Sa kasagsagan ng eksaminasyon, inuuna ko parati ang madadaling tanong. Parang isang game show ang peg. Minsan, nag-50:50 ako, bawal nga lang ang Call A Friend. Naranasan ko din manghula na lang dahil sa hindi naituro sa amin ang ilan sa mga paksa na kabilang sa eksam. Andun din na nagkamali ako na dapat na sasagutang aytem, pero wala akong nagawa kundi sheydan na lang ito para iwas aberya sa pagtsek. Binibilang ko din ang mga aytems na siguradong tama ako. Nahirapan ako sa Industrial Psychology at sa Psychological Assessment na kung saan dalawang minuto na lang ang nalalabi sa akin para tapusin ang pagsagot. Nagpaka-OC-OC na din ako sa takot na baka may naiwanang ako na aytem na hindi nasagutan.
Panalangin ang ginagawa ko bago at tapos sagutan ang bawat asignatura. May punto din sa eksam na pinepressure ko ang aking sarili na kailangan kong maitama ang karamihan para pasang pasa na. Pero kailangan pa rin i-enjoy ang pagsasagot. Minsan, natatawa na lang ako kung hindi ko alam ang sagot. Kapag may free time pa, nakikipagdaldalan ako sa mga roommates ko para iwas stress.
Makalipas ang isang taon, ika-4 ng Nobyembre, ika-9:55 ng gabi, nagpost sa Facebook ang isa sa mga psychology majors ng Adventist University of the Philippines (AUP), ang aking Alma Mater, ng impormasyon mula sa isang news website page na nagsasaad ng mga pumasa sa Board Licensure Examination for Psychologists and Psychometricians (BLEPP). Nang aking makita, saya at kaba ang nangingibabaw sa isip ko pero hindi ko mabuksan ang post. Ilang minuto ang lumipas, tinawagan ako ng isa sa mga mentors ko at ngayon ay isa ng Registered Psychologist. Sinabi niya, "...andito na yung mga names, BUENO....ano middle name mo, Arman?" Sabay sagot ko ng, "MANALO po."
Sabi ng mentor ko, "Uy pasa ka!"...
Galak ang naramdaman ko. Subalit, mas matinding kagalakan ang sumapit sa akin ng magpost ang aking pinsan. Ang post na ito ay isang larawan na cropped mula sa isang website, at nakalagay ang ilan sa mga pumasa. At nasusulat roon ang "224 BUENO ARMAN MANALO."
Hindi ako makapaniwala. Isa pala ako sa mga pumasa. Nakagagaan talaga ng puso ang ganitong tagumpay sa aking buhay. Laking pasasalamat ko sa Panginoon sa pagtulong sa akin na huwag sumuko sa siphayo o kalungkutan, at sa walang kamatayang 'anxiety'.
Sa darating na Oath Taking kasama ang mga kapwa ko #PioneersPsychometricians, ito na ang Facebook Status ko:
"ARMAN MANALO BUENO, RPm
REGISTERED PSYCHOMETRICIAN"
Sa haba-haba ng ikwinento ko, ito ang mga natutunan ko sa BLEP 2014:
1. Ask help from God through prayers.
2. Attitude is the psyche-key of all successes.
3. The greatest competitor is the Self.
(Note: Si Arman Manalo Bueno, ay 24 taon gulang na AB PSYCH graduate ng Adventist University of the Philippines noong October 2013. Kasalukuyang Financial Advisor, part time ang kaniyang trabaho. Ilang sa kaniyang hilig ang pag-drawing/designing dresses (pwede kayang magpadesign pang-Oathtaking) at pagsusulat. Siguradong pasado sa Theories of Personality dahil paborito niya si Alfred Adler.)