Showing posts with label Herwin E. Icasiam. Show all posts
Showing posts with label Herwin E. Icasiam. Show all posts

Wednesday, November 12, 2014

Si Icasiam ay si Ikapito rin!



Si Icasiam ay si Ikapito rin!

ni Herwin E. Icasiam
4:05 AM
November 10, 2014
Sa aking kwarto


Ako si Herwin E. Icasiam, 21 na taong gulang at isa sa mga pinalad na makapasa sa Psychometrician Board Exam. Nais ko lamang ibahagi ang mala- “roller coaster ride” kong istorya bago ako makapasa.

Bago pa man ako tumuntong ng kolehiyo, naranasan ko ang isa sa pinakamalungkot na pangyayari sa aking buhay. Hindi ako nakadalo sa graduation exercises namin noong high school at muntik pa akong hini maka-graduate dahil sa mga pansariling pinagdaraanan. Sobra akong nalugmok noon na para bang wala nang kinabukasang patutunguhan. Mapalad pa rin ako at biniyayaan ako ng isang pamilya at mga totoong kaibigan na tumulong sa akin upang muling bumangon sa pagkadarapa. Sila ang mga taong nagtulak sa akin upang mag-aral muli at kumuha ng kurso sa kolehiyo. Pinalad akong makapasa sa pagsusulit sa Unibersidad ng Pilipinas ngunit nahuli ako sap ag-aasikaso ng mga kinakailangan dokumento dahil sa mga oras ding iyon, hindi ko pa talaga mapagtanto ang mga gagawin sa buhay ko.

Hunyo ng taong 2010 nang yayain ako ng isang malapit na kaibigan (Jayven Bernardino) upang magpalista sa isang unibersidad sa lalawigan ng Quezon (SLSU). Pagdating naming doon, napag-alaman naming wala nang bakante sa halos lahat ng mga kurso sa College of Arts and Sciences (hindi pa namain alam noon na marami pa palang ibang colleges o departments maliban sa CAS). Ang natitra na lamang ay Agriculture at Forestry. Dahil hindi pa rin namin mawari kung ano talaga ang aming gusting kurso, isinulat na lang naming ang mga nasabing courses na may slots pa. Habnag papunta sa isang building para isumite ang mga requirements, may nakausap kaming isang guro na sinabing maaari pa raw magpalista sa kursong Sikolohiya. Sabi namin pareho, “Ano baa ng Psychology? Mukahang maganda naman pakinggan kaya ito na lang ang ilagay natin na course!” Dito na nagsimula ang aking relasyon sa Sikolohiya. Dito ko natutunan na ang pagpasok sa kolehiyo ay isang malaking tandang pananong at kahit gaano pa ka-aksidente ang kursong iyong napili, darating ang panahon na matututunan mo itong mahalin at pahalagahan.

Nagtagal ako ng isang semester sa SLSU. Nakatagpo ako ngmga bagong kaibigan at nagkaroon ng ika nga “puppy love” na pagtutunguhan sa Sikolohiya. Gayunpaman, napagkasunduan namin ng aking mga magulang na lumipat sa Laguna College (Siyudad ng San Pablo) nang sa gayo’y mas malapit ako sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan. Nasa tanggapan ako noon ng kolehiyong aking lilipatan nang tanungin ako’y tanungin kung anong nais kong kursonng kunin. Nakatapos na rin naman ako ng isang sem sa kurssong Sikolohiya kaya’t ninais kong ipagpatuloy na lamang ito. 

Unang linggo ko sa Laguna College nang aking malaman na ang kinukuha kong kurso ay bago’t papasibol pa lamang sa kolehiyong iyon (pangalawang batch kami). Kaya naman, hindi hihigit sa dalawampu ang mga mag-aaral na kumukuha nito. Ganoon pa man, mas pinili kong manatili sa kursong ito sa paniniwalang Malaki ang maitutulong nito sa akin. Lalo pang umigting ang aking pagkagusto sa Sikolohiya nang aming talakayin ang asignaturang “Theories of Personality” kung saan natuklasan kong ang mga nagtaguyod at sumikat sa larangan na ito ay kapwa may kanyang-kanyang dagok ring naranasan noong kanilang kabataan. Nagsilbing lundayan ang kanilang mga kwento upang pagningasin ang akin malungkot na karanasan sa isang makislap na kinabukasan. Ito ang nagtulak rin sa akin upang pag-ibayuhin ang pag-aaral.

From left to right: Tricia Ann Villanueva, Krizza Tan, RPm;
Mia Bisa, RPm; Herwin Icasiam, RPm

Lumipas ang apat na taon ng pagsusumikap, mga taong puno ng paghihirap at yaong galak. Nakatutuwang isipin na tapos na ang mga panahong nag-aaral ka sa dyip habang halos dalawang oras ka nagbibyahe makapasok lang sa paaralan. Ang mg oras ng pagpupuyat, pagninilay-nilay, at pagsusunog ng kilay ay nagbunga na! Naitawid at natapos ko rin ang kursong Sikolohiya! Tila hindi pa nahinto ang pagkakaloob sa akin ng Panginoon sapagkat pinalad pa akong makapagtapos nang may karangalan sa aking kolehiyo. Hindi mapagsidlan ang aking kasiyahan dahil sa loob ng walong taong paghihintay, ako’y muling nakamartsa suot-suot ang toga. Ramdam ko ang kagalakang nadama ng aking mga minamahal sa araw na ibinibigay ko ang petisyong pananalita. Ngunit sabi nga nila, ang pagtatapos ay isa ring panimula, isang pagbubukas ng pinto para sa mas mabigat na hamon ng buhay. 

“UNEMPLOYED”, salitang bumagabag sa akin ilang buwan makaraan ang aming graduation. Marami naman akong plano sa buhay at alam ko na naman ang aking mga gusto ngunit hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Hanggang isang araw, napagkasunduan naming apat (Mia, Krizza, at Nelson) na maglakas-loob na kumuha ng Psychometrician Board Exam. Naisipan din naming na maghanap ng review center bilang paghahanda sa pagsusulit. Nahirapan kami maghanap ngunit buti na lang natanggap kami sa SPARK (waitlisted kami). 

Bago pa man mag-review, naiingit ako sa mga ka-batch ko na may trabaho  habang ako, “nga nga” pa rin sa bahay. Ganon pa man, pinayuhan ako ng aking mga magulang na mag-focus muna ako sa review at saka na muna maghanap ng trabaho dahil ayaw na nila maulit pa ang nangyari sa akin noong high school. May kaunting kirot man sa puso, hindi ko muna tinaggap ang ilang mga alok sa akin sa trabaho. Naniwala ako sa aking mga magulang at sinabi ko sa aking sarili na, “Kaunting sakripisyo muna at ilang buwan lamang ang pagtitiyagaan ko ay magkakatrabaho na rin ako!” 

Naging buo ang aking loob na magpursigi sa pagrereview gaya ng aking pagsusumikap noong kolehiyo. Ngayon naman, “PRESSURE” ang salitang di mawaglit sa aking isipan. Pressure dahil minsa’y ninais kong maihanay ang pangalan ng aming kolehiyo sa TOP 10 at pressure dahil ayokong bumagsak. Pinili kong huwag pangibabawan ng negatibong pag-iisip kaya ginawa kong “chill” ang pagrereview. Ganon pa man, dumating ako sa punto na halos hindi ko na masunod ang schedule ng pag-aaral. Napadalas din ang paglabas-labas  at pagliliwaliw kasama ang mga kaibigan, napatuon ang aking atensyon sa pakikipagchat at pakikipag-text. Nawalan talaga ako ng focus sa pagrereview. Dumating din sa punto na yung mga kaibigan ko (Lalo na si Lisette at Charisse) ay kinukuha na nag aking cell phone at ayaw na makipagkita sa akin dahil gusto nila na magreview ako. Lahat ng payo ay binigay nila para lang tumimo sa aking isip na kailangan ko na mag-aral talaga. Umaabot ako ng alas-Siyete ng umaga na gising pa at walang tulog na wala akong ginagawa kundi magbabad sa TV, cell phone, at computer. 

Napagtanto ko lamang na magseryoso na noong nagkarron kami ng Achievement exam sa SPARK. Halos manghula talaga ako dahil hindi ko alam yung mga sagot sa pagsusulit. Syempre, bumagsak ako at nadismaya pero hindi ako nawalan ng pag-asa at mas nabuhayan pa ng loob na mag-aral nang mabuti. Gumawa ulit ako ng panibagong schedule. Lunes hanggang Biyernes ay nag-self review ako. Tuwing Sabado naman ay lumuluwas ako ng QC para mag-aral sa SPARK. Itinaon ko namang araw ng Linggo ay “chill” at “cheat” day! 

Naging maayos naman ang unang buwan ko ng pagrereview pero heto na naman ang kampon ng katamaran at muli na naman akong nabihag sa buslo ni Juan Tamad. Hindi Hindi ko na naman nasunod ang schedule. Umabot pa nga ako sa punto na makiki-seat in ako sa UPLB, kasama ang mga kaibigan kong doon nag-aaral (Ameenah, Carol, at Tetet), dahil tinatamad ako magreview at gusto ko lang mag-ubos ng oras. 

Habang papalapit nang papalapit ang araw ng totoong pagsusulit ay papalayo nang papalayo ang tsanya ng aking pagpasa. BUMAGSAK AKO SA PRE-BOARD (Theories of Personality lang ang naipasa ko). Nawawalan na ako ng pag-asa talaga noon. Inisip ko nga na hindi na talaga ako papasa kasi kulang na kulang pa talaga ang inaral ko. Dalawang linggo na lamang ang natititra, hindi na ako nagpatinag kahit “CRAMMING” na, aral, basa, aral, basa, aral, na talaga ako. Daig ko pa ang Fast and Furious 6 sa bilis ko sa pagbabasa. Sinugurado ko na sa loob ng dalawang linggo ay naintindihan ko nang lubos ang mga aklat at handouts na aking binasa. Tinanong pa ako ng aking mama kung kaya ko ba daw ba? Ang sabi ko, parang babagsak ako sa exam. Ang sabi niya, “Okay lang yan anak, at least na-experience mo.” May punto ang aking nanay kaya mas ginanahan ako mag-aral dahil para sa kanila itong ginagawa ko. Doon ko rin nabuo ang motto na, “Hindi sa haba ng review nasusukat ang pagpasa kundi sa lalim ng iyong ginawang pag-aaral.”

Tatlo o apat na araw na lang ay “JUDGEMENT DAY” na, hindi na ako mapakali. Sinabi ko sa sarili ko na ayoko na magreview at masakit na sa hippocampus. Kaya naman, pinilit ko na lang mag-“chill” ulit. Pero sa totoo lang, kabadong-kabado na ako. Lahat na ng santo at santa ay dinasalan ko at maraming simbahan ang aking pinuntahan. Sa mga nalalabing araw na iyon, tanging dasal na lang talaga ang aking nagging sandigan. 

Dumating na ang unang araw ng exam at hindi ako nilubayan ng kamalasan. Dahil sa kaba, halos nabutas ko yung information sheet ko kasi napadiin ang pagsusulat ko ng pangalan. Nagkamali pa ako ng paglalagay ng subject heading sa answer sheet kasi dapat sa huling page magsisimula. Sinabihan pa ako ng proctor naming na, “Toy, relax lang.” Sa loob loob ko, sobra talaga akong kinakabahan at hindi ko nagustuhan ang pagtawag niya sa akin ng “Toy” (Kung “Nene pa yon, pde pa! HAHA). Nang ibigay na ang test questions, nagsimula na ako magsagot at magsimula ring mabura. Hindi ko napansin na “Strictly no erasures” pala kaya lalo ako kinabahan na baka ma-invalid ang answer sheet ko. Dahil sa hirap ng exam tapos hinaluan pa ng kaba, hindi ko na alam kung maipapasa ko baa ng exam pero pinilit kong sagutan lahat, intindihin ang mga tanong, guhitan at bilugan ang mga keywords, at mag-eliminate ng choices. Kung makikita niyo ang test questionnaires ko, sobrang dumi dahil sa guhit at bilog at kung anu-ano pang sulat. 

Dalawang araw ng pakikipaglaban sa pagpasa at ito’y hindi nagging madali para sa akin. Sadyang naging mapagbigay ang kapalaran sa isang taong tulad ko na tanging pagsusumikap at dasal ang naging sandata. Maraming maraming salamat sa aking pamilya, mga kabigan, mga guro, at sa mga institusyong aking kinabilanagn (SCES, PGMNHS, SLSU, LAGUNA COLLEGE, BIR, IRRI, Kidscove International), na tumulong at nagpatibay sa aking kaalaman at pagkatao. Higit sa lahat, tigib ang aking pasasalamat sa Panginoong Maykapal na hindi-hindi ako iniwan mula sa pinakamadilim hanggang sa pinakamaliwanag na bahagi ng aking buhay. 

Ngayon, masasabi ko na nga na si Icasiam ay si Ikapito na rin! 


Sa panulat ni:

Herwin E. Icasiam
Bachelor of Science in Psychology
Laguna College (Batch 2014)