Pages

Pages

Wednesday, November 19, 2014

Ang Pangalawang Pagbabalik

Ang Pangalawang Pagbabalik
ni Clariza Arandia, RPm


Nais kong ibahagi ang aking mga naging karanasan sa aking paglalayag patungo sa isla ng tagumpay. Nawa'y magsilbing inspirasyon ang aking kwento sa mga nais kumuha ng Psychometrician licensure exam sa susunod na taon.

Hindi planado ang pagkuha ko ng board exam ngayong taon. Kahit kailan ay hindi sumagip sa aking isipan na dagdagan ang aking mga bagaheng pinapasan. Ako ay kasalukuyang nagtatrabaho bilang isang student mentor (counselor) ng isang pribadong eskwelahan sa Cavite. Masasabi kong hindi biro ang aking mga gawain. Minsan ay gabi na akong nakakauwi matapos lamang ang aking mga gawain. Kasabay nito ay ang aking pag-aaral ng MAEd in Guidance and Counseling sa DLSU-D tuwing Sabado mula 6:30 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon. Sa loob ng anim na araw, bukas-palad kong tinanggap ang nararanasan kong pagkahapo sa dami ng aking mga iniintinding gawain. Tanging Linggo lamang ako nakapagpapahinga at nakapaglalaan ng panahon sa aking pamilya at iniibig.

Isang araw ay napagusapan sa aming opisina ang pagkuha ng Psychometrician board exam. Bilang isang nagtapos ng Sikolohiya noong nakaraang taon, kasama ng aking katrabaho, kami ay hinimok ng aming head na kumuha ng exam. Napabuntong-hininga ako ng araw na iyon dahil alam ko sa aking sarili na hindi sapat ang panahong mailalaan ko sa pag-aaral. Lubusan naming pinagisipan ang minungkahi ng aming head hanggang sa nagising na lamang ako isang araw na pumapasok na rin ako tuwing Linggo, ang tanging araw ng aking pahinga. Mula Cavite, ako ay lumuluwas ng Quezon City upang pumasok sa isang review center.

Hindi naging madali ang aking paglalayag. Madalas akong daanan ng bayo at malakas na ihip ng hangin na halos ikagiba ng aking sinasakyang barko - ang aking pagtitiwala sa aking sarili. Araw-araw akong pagod at madalas nakakatulog kung saan-saan – sa jeep, sa klase at sa pagrereview. Masasabi kong nahirapan ako sa pagbalanse ng aking trabaho, pag-aaral, pagrereview at buhay pag-ibig. Hindi ko lubusang maisip na ipinasok ko ang aking sarili sa isang sitwasyong walang kasiguraduhan. Masakit man sa aking kalooban ay may mga bagay akong pansamantalang binitawan upang aking magampanan ang aking mga tungkulin. Kinausap at ipinaunawa ko sa aking nobyo ang aking sitwasyon at aking hiniling na bawasan ang aming pagkikita hanggang sa matapos ang aking exam. Hindi rin ako nakadalo sa mga reunion kasama ang aking mga kaibigan. Bilang tagapamalantsa ng mga damit ng aking mga kapatid at magulang, hiniling ko rin sa aking ina na panandaliang angkinin ang aking responsibilidad. Halos mapabayaan ko rin ang aking sarili dahil sa tuwing umuuwi ako galing trabaho at eskwelahan, madalas na nakakatulog akong nakaupo sa sala at hindi nakakapagpalit ng damit. Ngunit sa kabila ng aking napagdaanan, nalaman ko kung sino ang tunay na nagmamalasakit, nagmamahal at nagtitiwala sa aking kakayahan.

Sabay-sabay dumating ang mabibigat na gawain sa huling tatlong linggo bago ang board exam. Nariyan ang mock board exam sa review center na aking pinasukan, mga requirements at final exams sa aking masteral at mga programa, referral at report na kailangang tapusin sa trabaho. Hindi ko alam ang aking uunahin kung kaya’t minsan ay napapaluha, napapaluhod at tumatawag na lamang ako sa Kanya upang bigyan ako ng lakas na tapusin ang lahat ng aking dapat gawin. Halos hindi na rin ako nakakatulog sa dami ng mga gawaing nakatambak sa aking lamesa. Minsan ay naabutan ako ng aking lola na nakayuko at natutulog sa harapan ng laptop. Awang-awa niya akong pinagtimpla ng kape at pinaalalahanan na pangalagaan ang aking sarili. Ang tanging nasasambit ko na lamang sa tuwing ako’y kanyang sinasabihan ay, “Panginoon, tulungan niyo ako”. 

Alam ko sa aking sarili na hindi sapat ang aking mga nareview para pumasa. Madalas ko kasing nahuhuli sa listahan ng mga dapat kong gawin ang pagbabasa ng aking libro at paghahanda ng aking sarili para sa board exam. Tanging ang libro ko sa Theories of Personality noong kolehiyo pa ako ang aking nababasa. Ang masama ay nangangalahati pa lamang ako sa libro at kulang na kulang na talaga ang oras ko para mapaghandaan ang board exam. Hanggang sa aking napagdesisyunan na maglaan ng apat na araw para sa apat na subject para makapagaral at makapaghanda pa ako. Ako ay nag-file ng leave dala na rin ng takot na hindi makapasa sa exam. Ang unang araw ng aking leave ay nilaan ko sa pagbisita sa St. Jude College kasama ang aking nobyo. Nagpunta at nagdasal rin kami sa iba’t-ibang simbahan upang humingi ng gabay sa nalalapit kong exam. Natapos ang unang araw ng aking leave na pagod mula sa lakad at byahe.

Ngunit ako’y nagkamali sa pagaakalang magiging madali ang pagaaral kung ako’y maglalaan ng isang araw para sa bawat subject dahil nagmistulang kabayo ako sa bilis ng aking pagbabasa. Tatlong araw na lang bago ang exam. Mangiyak-iyak akong nag-aral mula 3:00 am hanggang 12:00 am kada araw ngunit tila ba’y wala nang impormasyong pumapasok sa aking isipan. Hanggang sa dumating ang October 27, isang araw bago ang board exam. Nagmistulang energy drink ang mataas na lebel ng aking kaba ng araw na iyon. Hindi pa rin ako natigil sa pag-aaral hanggang sa inumaga na ako sa pagbabasa at nagising ang aking lola para ihanda ang aking babauning pagkain at inumin. Alas-dos na ng umaga nang nagising na rin ang aking ina at binigyan ako ng dalawang dark chocolate para raw makatulong sa akin. Umalis ako ng aming bahay sa Cavite ng mga alas-tres kasama ang aking nobyo upang samahan ako sa aking paglalayag papuntang Manila. Habang nasa byahe ay sobrang nanginginig ang aking mga kalamnan sa kaba. Hindi ko maiwasang mag-isip ng mga negatibong bagay dahil sa nararamdaman ko sa aking sarili na hindi pa ako handang mag-exam. Gustong umatras ng dalawa kong paa at matulog na lamang sa aking kwarto ngunit alam ko sa aking sarili na hindi iyon maaari. Kailangan kong ipagpatuloy ang nasimulan kong paglalayag. Ang tanging pinanghawakan ko na lamang ng sandaling iyon ay ang malaking pagtitiwala ng mga mahal ko sa buhay sa aking kakayahan. Bumalik sa aking ala-ala ang mga binigkas nilang pananalita na talaga naming tumaim sa aking isip at damdamin. “Kayang-kaya mo yan! Kung nagawa mong magtagumpay noong kolehiyo ka, magagawa mo rin ngayon!” “Sa nakita kong hirap mo dyan sa lamesa, paniguradong pasado ka na!” “Huwag kang kabahan, magtiwala ka sa sarili mo.” Ayoko silang biguin sa kabila ng lahat ng mga tulong at suportang ipinagkaloob nila sa akin. 

Nang makarating kami sa lugar, umupo kami sa mga upuan sa gilid ng eskwelahan at naghintay na tawagin at papasukin kami sa loob. Habang naghihintay ng oras, naririnig ko ang mga kwento ng ibang examinees. Mataas ang pagtitiwala nila sa kanilang sarili. Ang iba naman ay may nararamdaman ring kaba sa dibdib. Mayroon rin akong narinig na ang pagpasa sa board exam ay suwertihan lamang raw. Bigla kong naisip, “paano na lamang kung hindi ako swerte, hindi na ba ako makakapasa?” Taimtim na lamang akong nagdasal na gabayan ako ng Maykapal sa aking exam hanggang sa makapasok na ako sa loob ng aming kwarto. Ang aking nobyo naman ay naiwan sa labas at naghintay hanggang sa matapos ang aking exam. Pinaupo ako ng proctor sa tapat ng kanilang lamesa at inatasan nila akong magdasal para sa aming grupo. Sinimulan kong sagutan ang exam at aminado akong nahirapan sa ilang mga items. Bago ako umuwi ng aming bahay ay dumaan ako sa Simbahan ng Poong Nazareno upang magpasalamat sa paggabay sa akin sa araw na iyon. Habang ako ay nakapila patungo sa Poong Nazareno ay may nakita akong babaeng nagdarasal habang buhat-buhat ang kanyang anak na may sakit. Bigla akong napaluha at naisip na malaki ang pananampalataya niya sa Maykapal sa kabila ng kanilang pinagdaraanan. Hindi siya nawawalan ng pag-asa gaano man kalubak ang kanyang daang tinatahak. Binigyan niya ako ng inspirasyong ipagpatuloy ang aking nasimulan at tapusin ang board exam kasama ang Panginoon.

Dumating ang pangalawang araw ng exam at baon ko pa rin ang suporta at tiwala ng aking mga magulang. Ngunit, hindi naging madali ang pangalawang araw ng exam. Umalis ako ng eskwelahan ng malungkot at baon ang takot na hindi makapasa. Dumaan ulit kami sa Poong Nazareno at doon ay hindi ko napigilang umiyak. Pinapatahan ako ng aking nobyo ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili. Iyak pa rin ako ng iyak habang nagdarasal. Pagkatapos ay niyaya ko siya na magsimba sa National Shrine of Mother of Perpetual Help. Hindi ko pa ring maiwasang umiyak habang dumadalangin sa Kanya. 

Lumipas ang dalawang araw ay naisipan kong dumalaw ulit kay St. Jude upang magpasalamat sa paggabay niya sa akin noong nag-exam ako. Kahit na nahirapan ako, alam kong hindi niya ako pinabayaan. Bago ako umalis ng simbahan ay kumuha ako ng nobena niya at kinagabihan ay dinasal ko iyon. Nakalagay sa nobena na matutupad ang ano mang panalangin gaano man kaimposible ito bago o sa loob ng siyam na araw nang pagdarasal ng nobena ni St. Jude. Buong-puso ako naniwala at nanalangin araw-araw hanggang sa dumating ang ika-limang araw ng aking panalangin. Iyon din ang araw na ilalabas ang resulta ng exam. Sinamahan ko ang aking kapatid sa kaniyang kwarto at doon ay dinalangin ko ang nobena ni St. Jude hanggang sa ako’y nakatulog. Ginising ako ng aking ina ng alas-onse ng gabi upang palipatin ng kwarto. Ngunit kaysa na lumipat sa aking kwarto ay bumaba ako sa sala upang doon ipagpatuloy ang aking pagtulog. Nasanay kasi akong matulog sa sala noong panahon na sobra akong pagod galing sa trabaho at eskwelahan. Halos nakapikit pa akong naglakad patungo sa aming set nang narinig kong tumunog ang aking cellphone. Hinanap ko ito at binuksan ang isang mensahe mula sa aking kasamahan sa trabaho. Biglang lumaki ang aking mata at nanginig ang aking mga kamay nang mabasa ko ang salitang “congratulations”. Agad-agad kong hinanap sa google ang resulta ng board exam. Una kong nakita ang announcement ng GMA 7 at binuksan ko agad ito upang hanapin ang pangalan ko. Napaiyak na lamang ako ng aking makita ang buong pangalan kong nakalista sa mga pasado, ARANDIA, CLARIZA HILARIO. Hindi ako makapaniwalang nagawa ko at nagawa ng Panginoong gabayan ako patungo sa isla ng tagumpay. Biglang bumalik sa aking ala-ala ang lahat ng mga taong umunawa, sumuporta at naniwala sa akin. Tunay ngang nabubuhay ang ating Panginoon sa imahe ng mga taong nakapaligid sa atin. Kinabukasan, niyakap at pinasalamatan ko ang aking mga magulang. Tulad ng aking nararamdaman, sila’y nagagalak sa aking matagumpay na paglalakbay. Sa loob-loob ko, hindi ako makakabalik sa lugar kung saan ako nagtapos ng kolehiyo kung wala ang mga taong nagsilbing biyaya sa aking buhay at kung wala ang presensya ng Panginoon sa aking tabi.

No comments:

Post a Comment