Monday, October 5, 2015

Life After Boards: Ms. Dreamer, RPm




------

Unang taon palang ako noon sa kolehiyo at wala talaga akong interes sa pag-aaral. Punta kung saan saan at laging late. Lagi pa nga akong lowest sa exams at di makasagot sa recitations. Ako na ata ang pinaka-iresponsableng estudyante noon. Ewan ko ba kung bakit ako napadpad sa kursong sikolohiya. Basta ang hangarin ko lang ay makapagtapos at makapagtrabaho ... Dumating ang araw ng kuhaan ng grades at nalaman kong HINDI na ako makakatuntong pa sa ikalawang taon dahil hindi ko naabot ang required GWA para maipagpatuloy ang kurso. Sobrang kaba at awa ko sa sarili ko. Napakabobo ko talaga. Isa iyong malaking kahihiyan sa pamilya ko dahil halos lahat ng kapatid ko ay nakapagtapos.

Masakit isipin na mas lalo lang sila maniniwala na mahina ako at panibagong dissapointment na naman ang maidudulot ko sa kanila. Kaya naman nilihim ko iyon sa kanila. Iyak ako ng iyak at nanatili lang sa kwarto. Feeling ko noon, made-depress na'ko. Kaya pumunta ako sa school para alamin kung pwede pa ba akong bigyan ng isang pagkakataon. Hindi lang pala ako nag-iisa. Parehas kami ng sitwasyon ng kaibigan ko. Sa harap ng registrar office ay naghihintay kami kung ano ang magiging desisyon nila. Para kaming nasa elimination ng isang paligsahan. Pray ako ng pray kay God na sana ay bigyan pa kami ng isa pang pagkakataon. Pagkatapos ay tinawag na kami ... Halong emosyon ang nadama ko ng malaman kong ako lang ang binigyan ng chance.

Nalulungkot ako para sa kaibigan ko. Inisip ko nalang na may dahilan ang nangyari. Maaaring may magandang oportunidad para sa kaibigan ko, at maaari ding may magandang dahilan kung bakit ako nabigyan pa ng pagkakataong maipagpatuloy ang pag-aaral sa kursong sikolohiya ... Nakatuntong ako sa 2nd year at pinagbuti ko na ang pag-aaral. May panahon na nagiging highest ako sa exams at dahil dun ay napansin ako ng isa sa aking mga propesor. Sinabi niyang nagulat siya sa pinagbago ko. Nakilahok ako ng Psychology Quiz Bee sa aming unibersidad dahil sa panghihikayat ng mga kaibigan ko. Takot ako noon makilahok sa mga paligsahan dahil alam ko sa sarili ko na hindi ko naman kaya. Lumaki na akong may ganoong pananaw sa aking sarili. Nakakatuwa naman dahil nakamit ko ang 2nd place sa quiz bee. Doon na nagsimula na magkaroon ako ng kompiyansa at tiwala sa sarili ko.

Sa wakas ay nakapagtapos din ako. Natapos na yung anxiety ko sa bawat kuhaan ng grades. Pero isang hamon na naman ang kailangan kong harapin. Gusto ko kasi maging isang Registered Psychometrician. Yun ang goal namin ng mga kaibigan ko kaya naman nagtulungan kami sa pagrereview. Mas pinili kong mag-self review nalang. Atleast, kapag hindi nakapasa ay okay lang. Wala masyadong gastos at pressure. Hindi naman ako masyadong na-pressure ng family ko dahil hindi naman nila ineexpect na makakapasa ako. Inalok ako ng Tita ko na siya na ang magbabayad sa review pero hindi ko tinanggap. Tinapos kong basahin ang apat na librong covered sa board exam at nag-take ng tests online lalo na ang links na binigay ng psychometrician review page. Pinilit kong ipasok sa isipan ko na kaya ko kahit ang nararamdaman ko ay hindi ko kaya. Dumating ang araw ng board exam at kinakabahan ako sa magiging resulta. Hanggang sa tumawag ang OJT supervisor ko at binati ako. Sa sobrang saya ay napaiyak ako. "Kaya ko pala", sambit ko sa aking sarili at nagpasalamat sa Diyos.

Minsan, iniisip natin na hindi natin kayang gawin ang isang bagay dahil sa kawalang kompyansa sa sarili, dahil sa negatibong sinasabi ng iba, takot matalo at mapahiya. Pero kung iisipin nga nating mabuti, paano natin maiwawala ang takot kung hindi tayo susubok? Paano tayo magtatagumpay kung tayo'y uupo na lamang sa isang sulok? Bilang isang indibidwal, responsibilidad nating tulungan ang ating sarili. Dumarating talaga ang panahon na tayo ay madadapa ngunit tayo'y may pagkakataon paring bumangon. Sabi nga nila, sa dami ng pagkatalo ay marami rin ang ating matututunan upang magtagumpay ... Noon, hindi ko alam kung ano nga bang meron ang kursong sikolohiya. Ngunit nang maglaon, nalaman ko kung gaano ito kahalaga. Napakahalaga ngang abutin ang puso ng isa upang maabot ang kanyang kaisipan at matulungan siya. Ito nga ang pinaka-rewarding sa lahat. Ang ngiting mababakas sa mukha ng mga taong nangangailangan ng tulong sa tuwing sila'y iyong pinapakinggan at kinakausap ay nagdudulot ng kasiyahang walang katumbas. Hindi lang ang ating sarili ang ating natutulungan kundi pati ang ating kapwa. Habang tumatagal, mas sumisidhi ang pagmamahal ko sa sikolohiya. Ito ang masasabi kong sikreto upang maging matagumpay sa larangan ng sikolohiya. Kinakailangang maisip at madama natin ang kahalagahan nito, maisip at madama ang responsibilidad natin hindi lang sa ating sarili kundi pati na sa ating kapwa, at lalong higit ay maisip at madama natin ang kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos na siyang makatutulong sa atin upang magtagumpay.

Note:

Congratulation RPm's! Ipagpatuloy ang magandang hangarin para sa ating kapwa. Thanks so much Philippine Psychometrician Review admins lalo na kay Sir Tino Repaso sa pagtulong sa amin sa pagrereview. At sa kaibigan kong si Donnies Bendicio sa pag-share ng story ko. :D

Thanks to all my professors, friends and classmates sa suporta at sa paniniwala sa kakayahan ko. Sa mga magboboard exam next year, kaya niyo yan! Preparation + Prayer = Success. Congrats in advance future RPm's <3

------